Magsasagawa ng kampanya para sa immunization ang Department of Health (DOH) bilang babala sa posibleng pagkakaroon ng outbreak ng tigdas sa mga batang Pilipino.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, malaki ang naging epekto ng COVID-19 pandemic dahil maraming magulang ang hindi napabakunahan ang kanilang mga anak.
Sa ngayon aniya ay bumababa ang bilang ng mga batang nababakunahan kung kaya’t ibinabala na nila ang posibilidad ng pagkakaroon ng outbreak ng tigdas sa susunod na taon.
Kasunod nito, bilang pag-iingat ay magsasagawa ang DOH ng supplemental immunization na magsisimula sa Oktubre 26.
Ayon kay Vergeire, tinatayang nasa 2.4 milyong mga bata na nasa limang taong gulang pababa ang madaling kapitan ng nasabing sakit.
Kabilang sa mga kumplikasyon na dulot ng tigdas ay ang severe diarrhea at dehydration, pneumonia, kumplikasyon sa mata at tenga, pamamaga ng utak o di kaya’y permanent disability.