Manila, Philippines – Mino- monitor ngayon ng Department of Health ang mga pasyenteng dinadala sa mga ospital sa Leyte bunsod ng tumamang 6.5 magnitude na lindol kahapon.
Ayon kay Health Assistant Secretary Eric Tayag, tinututukan nila ang mga kritikal na pasyente dahil maaaring magtamo ang mga ito ng head injury, spinal injury, fractures at mga sugat.
Bukod dito, ayon kay Tayag, binabantayan rin nila ang mga generator sa mga ospital dahil malaking problema kung pati mga ospital ay maaapekltuhan ng power interruption sa lugar.
Kaugnay nito, nagpaalala naman si Tayag sa mga residente sa mga apektadong lugar na kung sa tingin nila ay mas ligtas na manatili muna sa labas ng kanilang mga tahanan ay makabubuting humanap muna ng ligtas na matutuluyan dahil hanggang sa kasalukuyan aniya ay wala pa silang natatanggap na ulat na mayroon nang mga evacuation centers.
Magsasagawa rin aniya sila ng inspeksyon upang tiyakin na magtutuloy – tuloy sa pagtanggap ng pasyente ang lahat ng ospital sa mga apektadong lugar.