Bukod sa UK at South African variant, mahigpit ding mino-monitor ngayon ang P.3 variant na unang nadiskubre sa Pilipinas.
Sa interview ng RMN Manila kay Department of Health Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire, sinabi niya na bagama’t hindi pa “variants of concern” ang P.3 na unang natagpuan sa Central Visayas, ito ay under investigation dahil sa potensyal na epekto nito matapos na madiskubre na mayroong itong N501Y at E484K mutations.
Paliwanag ni Vergeire, ang E484K at N501Y mutations na nakita sa P.3 variant ay pareho ring nadiskubre sa UK, South African at Brazil variants.
Mayroon aniya itong mataas na transmissibility at posibleng may epekto rin sa efficacy ng anti-COVID-19 vaccine.
Sa ngayon ay nasa 98 ang kaso ng P.3 variant sa Pilipinas kung saan 80% nito ay mula sa Region 7.
Inaalam na ng DOH kung ang P.3 variant ay posibleng makaapekto pagtaas sa mga bagong infections.