DOH, makikipag-ugnayan sa LGUs at PNP hinggil sa utos na arestuhin ang mga gumagamit ng vape sa pampublikong lugar

Manila, Philippines – Makikipag-ugnayan ang Department of Health o DOH sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa at sa Philippine National Police o PNP kung paano ang gagawing hakbang para hulihin ang mga taong gumagamit ng vape sa pampublikong lugar.

Ito ay kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ban o pagbabawal sa paggamit at importasyon ng vape, bukod pa sa bantang ipapa-aresto ang mga gumagamit nito.

Sa ginanap na pulong balitaan sa Maynila, sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na ikinalulugod ng DOH ang pahayag ng presidente kung saan inaabangan nila ang paglalabas at paglagda ng Pangulo sa Executive Order para sa ban sa vape.


Dagdag pa ni Domingo, agad silang makikipagtulungan sa LGUs at mga pulis, upang matiyak na maayos na maipatutupad ang paghuli sa mga magve-vape pa rin sa pampublikong lugar.

Ayon pa kay Domingo, kung saan lugar bawal ang paninigarilyo, dapat ay bawal din ang vaping.

Kaugnay nito, sinabi ni Domingo na magkakaroon ng mahigpit na koordinasyon ang DOH-Food and Drug Administration at Bureau of Customs, para naman sa pagbabawal ng importasyon ng vape product.

Facebook Comments