
Nakaantabay na ang mga gamot at iba pang kagamitan ng Department of Health (DOH) bilang tulong sa mga apektado ng Bagyong Ramil sa Bicol Region.
Ayon sa DOH, nasa mahigit labing-isang milyong pisong halaga ng mga gamot, health commodities, first-aid kits, tents, at breastfeeding kits ang nakahanda sa rehiyon alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng mga Pilipino sa panahon ng kalamidad.
Mamamahagi rin ang kagawaran ng mga malinis na tubig at mga water container sa mga evacuation centers habang maghahatid ng serbisyo ang mga emergency response teams.
Sabi ng kagawaran, mas pinaigting ngayon ang koordinasyon sa mga lokal na health offices at sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council o RDRRMC Bicol upang matiyak ang mabilis na pagtugon lalo’t kamakailan lamang nang salantain ng Bagyong Opong ang rehiyon.
Sa ngayon, nananatiling nakataas ang code white alert dahil sa pananalasa ng Bagyong Ramil.









