Siniguro ni Health Asec. Ma Rosario Vergeire na mino-monitor pa rin nila ang walong COVID-19 recovered patients.
Sa Inter-Agency Task Force (IATF) press briefing sa Malakanyang, pinaliwanag ni Vergeire na makaraan nilang ideklarang COVID free na ang isang pasyente ay pinapayuhan pa rin nila itong mag self-isolation ng 14 days at patuloy na i-monitor ang kanilang kondisyon.
Mayroon din, aniyang, nagmo-monitor sa mga ito na kinatawan ng Department of Health (DOH).
Sinabi pa ni Vergeire na makalipas ang 14 days self-isolation ay muling isasalang sa panibagong pagsusuri ang isang COVID-19 recovered patient para matiyak na wala na talaga itong Coronavirus Disease.
Sa datos ng DOH, ang walong nakarekober mula sa COVID-19 ay pawang walang underlying conditions o walang sakit at halos lahat sa mga ito ay hindi pa nakatatanda.