Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga makikibahagi sa Nazareno 2023 o pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Itim na Nazareno na patuloy na pairalin ang health protocols kontra COVID-19.
Ayon kay DOH-National Capital Region Dir. Dra. Gloria Balboa, naririyan pa rin ang COVID-19 kaya’t dapat na mag-doble ingat.
Maiging sumunod sa minimum public health standards lalo na ang pagsusuot ng face mask at syempre magpabakuna kontra COVID-19.
Tiniyak naman ni Balboa na ang DOH ay kaisa ng lokal na pamahalaan ng Maynila at pamunuan ng Quiapo Church sa pagtutok sa Nazareno 2023.
May mga ilang preparasyon na silang ginagawa at nakonsulta ang DOH para sa kaligtasan ng mga deboto.
Dagdag ni Balboa, may mga medical team ang DOH na ide-deploy habang nakahanda ang mga DOH at Local Government Unit (LGU) hospitals para tugunan ang mga taong mangangailangan ng medikal na atensyon.