May paalala ang Department of Health (DOH) sa harap ng pananatili sa iba’t ibang evacuation sites ng mga residente na inilikas dahil sa pananalasa ng Bagyong Rolly.
Sa virtual press briefing ng DOH, sinabi ni Dra. Gloria Balboa, Director ng Health Emergency Management Bureau ng DOH, na batid nila na limitado ang mga pasilidad para sa mga inililikas lalo na sa mga lugar na matinding tinamaan ng bagyo.
At dahil maraming dinadala sa mga evacuation center ay “challenge” talaga ang pagpapatupad ng social distancing.
Ayon kay Balboa, mainam na pagsamahin ang magkaka-pamilya sa isang modular tent basta’t sila ay walang sintomas ng COVID-19.
Pero kung may maranasang sintomas, dapat ay dalhin sila sa isolation facility at hindi sa evacuation facility.
Dapat din na may sapat na wash facilities sa mga evacuation center at pagkakaroon ng personal hygiene.
Ang mga lokal na pamahalaan naman ay pinapayuhan na magpakalat ng health officers na mag-iikot para magpaalala sa evacuees sa pagsunod sa social distancing at iba pang minimum health standards.