DOH, may paalala sa mga residenteng naapektuhan ng bagyo

Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na linisin ang mga lugar na naiipunan ng tubig at patuloy na kumonsulta nang maaga kapag may sintomas ng dengue.

Partikular ang mga rehiyong apektado ng mga bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel at Pepito.

Matapos ang sunud-sunod na bagyo, posibleng mas marami ang mga nakatenggang lugar na may tubig na kadalasang pinamumugaran ng mga lamok na nagdadala ng dengue virus.


Ayon sa DOH, sa nakaraang anim na linggo, walang naiulat na pagtaas sa mga bagong kaso ng dengue sa mga rehiyon ngunit tuloy-tuloy ang pagkalap ng datos at kinokonsiderang may mga karagdagan pa sa mga darating na linggo.

Tinitingnan din ang mga datos na konektado sa mga epekto ng bagyo na maaaring hindi pa naitala.

Kaya’t muling paalala ng DOH na patuloy na maglinis at siguraduhin na walang lamok sa kapaligiran at sakaling makaranas ng sintomas ng dengue, maiging kumonsulta agad sa doktor o sa mga health center.

Facebook Comments