DOH, may pananagutan sa mataas na bilang ng mga health workers na nagkakasakit ng COVID-19

Iginiit ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers Partylist Representative France Castro na may pananagutan ang Department of Health (DOH) sa pagtaas ng bilang ng mga health care workers na nagkakasakit ng COVID-19.

Binatikos ni Castro ang aniya ay hugas kamay na ginagawa ng DOH na nakuha umano ng mga healthcare workers ang virus sa kanilang komunidad at hindi sa mga ospital.

Ayon kay Castro, dahil sa kawalan ng Personal Protective Equipment (PPEs) at iba pang proteksyon mula sa gobyerno ay mas naging lantad sa pagkakasakit ng COVID-19 ang mga medical workers.


Sinabi ni Castro na ang mga katwiran ng DOH ay malinaw na nais nitong makaiwas sa pananagutan sa kanilang ginawang kapalpakan at kawalan ng mass testing para sa mga health care workers at pagbili ng PPEs.

Sa halip aniya na maghugas kamay ang ahensya sa kakulangan nito sa mga health workers ay dapat nitong kilalanin at aksyunan ang mga pangangailangan para matiyak ang proteksyon ng lahat ng mga medical staff na humaharap sa paglaban sa COVID-19.

Ilan sa mga ipinanawagan ng kongresista na gawin agad ng gobyerno ay ang regular na testing sa mga health workers, pagbili ng mga gawang lokal na PPEs upang makatulong din sa mga pribadong indibidwal at mga maliliit na negosyo at pagiging bukas sa mga bansa tulad ng Cuba na nagaalok ng kanilang medical expertise laban sa COVID-19 na hindi naman mababaon sa utang ang bansa.

Batay sa tala ng World Health Organization (WHO), aabot sa 15.8% ang mga healthworkers na apektado ng coronavirus sa Pilipinas kumpara sa 2 hanggang 3% average sa ibang mga bansa.

Facebook Comments