DOH-MMCHD, hinimok ang mga magulang na pabakunahan kontra COVID-19 ang mga anak na 5 hanggang 17 taong gulang sa Bakunahang Bayan

Hinikayat ng Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) ang mga magulang na pabakunahan kontra COVID-19 ang kanilang mga anak na lima hanggang 17 taong gulang sa Bakunahang Bayan.

Ito ay tatlong araw na special COVID-19 vaccination drive na ikinasa ng DOH simula December 5 hanggang ngayon December 7.

Ayon kay DOH-MMCHD Regional Director Gloria Balboa, target ng Bakunahan Bayan na mabakunahan ang mga eligible population na kulang sa primary series at booster doses.


Gayunpaman, mas tinututukan aniya ngayon ng ahensya ang pagbabakuna sa lima hanggang 17 taong gulang.

Dagdag pa ni Balboa, mayroong kautusan ang Department of Education (DepEd) na maaaring ma-excuse sa klase ang mga bata sa araw ng kanilang pagbabakuna, kaya naman ipinabatid nito na walang dapat ikabahala ang mga magulang.

Batay sa tala ng DOH-MMCHD, mahigit 500,000 ng mga batang 5 hanggang 11 taong gulang ang hindi pa nakakakumpleto ng primary series ng COVID-19 vaccines sa National Capital Region (NCR), habang mahigit 100,000 na batang 12 hanggang 17 taong gulang ang wala pang unang booster doses.

Facebook Comments