
Muling hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na magpabakuna upang makaiwas sa iba’t ibang sakit.
Sa pahayag ng DOH, binigyang-diin na ang pagbabakuna ay isa sa mga pinakamabisang paraan upang maprotektahan ang sarili laban sa mga sakit na maaaring mauwi sa malubhang karamdaman o pagkasawi.
Ayon sa abiso ng DOH, maaaring makakuha ng libreng bakuna sa mga health center at DOH–Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (BUCAS) centers sa buong bansa.
Ilan sa mga bakunang maaaring makuha ay laban sa tuberculosis (TB), hepatitis B, polio, pneumonia, measles, mumps, rubella, human papillomavirus (HPV), tetanus, at influenza.
Ang mga bakunang ito ay maaaring ibigay mula sanggol hanggang sa senior citizens.
Tiniyak ng DOH na ang mga naturang bakuna ay ligtas at epektibo, at malaking tulong upang maiwasan ang pagka-ospital at ang pagkalat ng mga nakamamatay na sakit.










