Muling iginiit ng Department of Health (DOH) ang kahalagahan ng booster shot kontra COVID-19 lalo na’t may nakapasok ng BA.2.12 na variant ng Omicron sa bansa.
Sa inilabas na pahayag ng DOH, hinihimok nila ang publiko na magpaturok na ng booster sa lalong madaling panahon upang kahit papaano ay maging ligtas sa bagong variant ng virus.
Maging ang mga immunocompromised individuals ay muling hinihimok ng DOH na samantalahin na ang pagkakataon na magpaturok ng 2nd booster kontra COVID-19.
Bagama’t mabilis na makahawa ang bagong variant, wala pa naman ebidensiya na magiging malala o grabe ang sakit kapag nahawaan nito.
Kaugnay nito, pinakakalma ng DOH ang publiko hinggil sa BA.2.12 variant ng Omicron dahil hindi pa ito itinuturing na variant of interest o concern.
Payo pa ng DOH, maiging sundin ang ipinapatuad na health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing kung saan ang mga bakuna ay pangunahing makakatulong upang maging ligtas sa banta ng COVID-19.