Patuloy na umaapela ang Department of Health (DOH) sa mga Pinoy na iwasan ang off label use o pag-inom ng mga gamot na hindi naman para sa mismong paggamit nito.
Ayon kay DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, may pananagutan ang mga doktor na magrereseta ng gamot gaya ng glutathione lalo na kung gusto lamang itong gamitin sa pagpapaputi.
Sabi ni Domingo, hindi lamang ito sa mga glutathione kundi maging sa mga gamot kontra diabetes na ginagawa na ring pampapayat.
May epekto raw kasi ang gamot na pampawala ng ganang kumain.
Bukod sa epekto sa kalusugan, ipinunto pa ni Domingo na may masama ring dulot ang mga ganito lalo na sa mga diabetic.
Si Domingo ay nagsilbing panauhin sa General Monthly Meeting ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas kanina kung saan sinabi niyang malaking bagay ang pagtutulungan ng media at ng kagawaran tungo sa mas mabuting kalusugan sa ilalim ng Bagong Pilipinas.