Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) hinggil sa mga sakit na nauuso kapag panahon ng El Niño.
Ayon kay Health Sec. Teodoro Herbosa, isa ang heat related illnesses sa dapat batayan ng publiko kung saan maaaring makaramdam ng heat exhaustion at heat stroke ang isang tao kapag nabibilad ito sa matinding sikat ng araw.
Maaari rin na ma-dehydrate ang isang tao at magkaroon ng sunburn.
Maliban dito, uso rin tuwing El Niño ang mga sakit na nakukuha sa mga panis na pagkain dahil madaling masira ang pagkain sa sobrang init ng panahon ayon sa kalihim.
Dagdag pa ni Herbosa, posible rin ang mga water borne illnessess dahil maaring mapasukan ng e-coli at mikrobyo ang mga butas na water pipes na exposed sa matinding heat pressure.
Sinabi pa ng kalihim, kapag panahon ng El Niño, isa rin sa binabantayan ng ahensya ay ang dengue outbreak lalo na’t nag-iipon ng tubig sa malalaking drum ang mga tao kung saan pinangingitlugan ng lamok ang mga drums na walang takip.
Inaasahan naman ng DOH na titindi ang epekto ng EL Niño sa buwan ng Abril at Mayo batay na rin sa anunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration. (PAGASA).