DOH, muling nanawagan sa mga accredited COVID-19 test laboratories na magsumite ng kumpletong report sa tamang oras

Muling nanawagan ang Department of Health (DOH) sa lahat ng mga accredited na laboratoryo sa buong bansa na nagsasagawa ng COVID-19 test na magsumite ng kumpletong report sa tamang oras.

Sa pahayag ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, nasa 10 hanggang 12 laboratoryo ang bigong maisumite ang kanilang report hinggil sa COVID-19 kada araw.

Sinabi pa ni Vergeire na nangyayari pa rin ang ganitong sitwasyon sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga laboratoryo na binigyan ng lisensiya ng DOH na magsagawa ng pagsusuri.


Dagdag pa ni Vergeire, karamihan sa mga laboratoryo ay may kaniya-kaniyang rason habang ang iba ay humihingi ng sapat na panahon.

May ilan sa mga laboratoryo ang sarado kapag weekend para magsagawa ng disinfection kung saan ang iba ay pansamantalang itinitigil ang operasyon para sa pagsasaayos ng kanilang pasilidad at mga gamit.

May iba naman na wala pang nahahanap na encoder o ang magkukumpleto ng data kaya’t dahil dito, gumagawa na ang DOH ng paraan para masolusyunan ang nasabing problema.

Nabatid na nasa 144 ang binigyan ng lisensiya para magsagawa ng RT-PCR, 43 ang license genexpert laboratory at 84 ang nag-apply ng lisensiya na naghihintay pa ng approval mula sa DOH.

Facebook Comments