Nanawagan muli ang Department of Health (DOH) sa publiko partikular sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa polio.
Sa pahayag ng DOH, mayroon pa ring banta ng polio na karaniwang nabibiktima ay mga bata lalo na ngayon nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa.
Muli rin tinitiyak ng DOH na ligtas at libre ang mga anti-polio vaccine kaya’t walang dapat ipangamba ang mga magulang.
Sa abiso ng DOH, gagawin ang anti-polio vaccination activity sa buong buwan ng Pebrero kung saan ang mga batang wala pang limang taong gulang ay maaaring dalhin sa mga health center para mabigyan ng oral polio vaccines o OPV.
Partikular na isasagaw ang anti-polio vaccination activity sa Regions 3, 4-A, 6, 7 at 8.
Nabatid na isa ang polio sa mga sakit na mino-monitor ngayon ng DOH kaya’t ang nasabing programa ay upang maibalik ang Pilipinas bilang polio-free.
Bukod dito, mayroon ding Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity sa National Capital Region (NCR) at iba pang rehiyon sa buwan ng Pebrero.
Tinitiyak naman ng DOH na maipapatupad ang health protocols sa panahon ng kampanya sa pagbabakuna habang ang mga magulang at kani-kanilang anak ay pinapayuhan na magsuot ng face mask, face shield at sumunod sa social distancing.