DOH, naabot ang target na bilang ng mga sanggol sa ikinasang catch-up immunization campaign sa NCR

Inihayag ng Department of Health (DOH) na naabot nila ang 100% na target sa ikinasang Vax-Baby-Vaz Intensive Routine Catch-Up Immunization para sa mga sanggol sa National Capital Region (NCR).

Sa inilabas na pahayag ng DOH-Metro Manila Center for Health Development naabot nila ang 100.48% o katumbas na 137,701 na bagong panganak at mga sanggol ang naturukan ng mga bakuna.

Ito ay pawang mga nasa edad 0-23 months sa NCR kung saan isinagawa ang sampung araw na catch-up immunization campaign.


Nabatid na ikinasa ng DOH ang nasabing kampaniya noong November 7 hanggang 18 sa NCR at una nilang target na maturukan ng iba’t ibang bakuna ang nasa 137,048 na mga sanggol na hindi pa nakatanggap ng anumang bakuna mula ng September 2022.

Ayon kay DOH-Metro Manila Center for Health Development Regional Director Gloria Balboa, naisakatuparan ang programa sa tulong ng mga Local Government Units (LGUs), Department of the Interior and Local Government (DILG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Gayundin ang iba pang pampubliko at pribading sektor na nagpa-abot ng tulong para maipakalat ang impormasyon hinggil sa immunization program.

Kaya’t dahil dito, todo pasalamat ang DOH-Manila Center for Health Development sa lahat ng nakiisa sa ikinasa nilang vaccination program.

Aniya, bagama’t natapos na ang isinagawa nilang sampung araw na kampaniya magpapatuloy pa rin naman daw ang routine immunization para mabigyan ng proteksyon ang mga sanggol laban sa mga Vaccine-Preventable Diseases (VPDs) tulad ng Polio, Measles, Mumps, Rubella, Diphtheria, at Hepatitis B.

Kaya’t dahil dito, hinihimok ng DOH ang mga magulang, guardians, at caregivers na isailalim na sa pagbabakuna ang mga sanggol at bata upang maging ligtas sa mga nasabing sakit.

Facebook Comments