DOH, nababahala sa posibleng epekto ng tigdas outbreak

Manila, Philippines – Nababahala ang Department of Health (DOH) sa posibleng epekto sa turismo at pagpapadala ng Filipino workers abroad ang pagtaas ng kaso ng tigdas sa bansa.

Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, higit 800 kaso ng tigdas ang narekord sa loob laman ng dalawang araw.

Aniya, mula nitong February 18 ay umabot na sa 9,267 ang measles cases kung saan nasa 146 na ang namatay.


Ang Calabarzon pa rin ang may pinakamataas na naitalang kaso ng tigdas na may 2,310 cases, sumunod ang National Capital Region (NCR) na may 1,937 cases at Central Luzon na may 1,387 cases.

Pangamba ni Domingo – kapag hindi nakontrol ang outbreak, posibleng maglabas ang ibang bansa ng travel advisories para sa kanilang mga kababayan na huwag bumisita sa Pilipinas.

Bukod dito, pagbabawalan din ang mga OFW na bumiyahe sa ibang bansa o hihingan ng dagdag na requirements gaya ng vaccination.

Tiniyak naman ng DOH sa publiko na mako-kontrol sa lalong madaling panahon ang tigdas lalo at pinaigting na ang immunization program ng pamahalaan.

Target ng DOH na mapabakunahan ang nasa 12 hanggang 14 na milyong kabataan na may edad anim na buwan hanggang limang taong gulang, pito hanggang walong milyong pre-schooler at grade schoolers at ang 2.6 million adults.

Facebook Comments