DOH, nag-isa rin sa pagdinig ng Kamara, ahensya hindi umano naging proactive

Nagisa ang Department of Health (DOH) sa pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development kaugnay sa kahandaan ng gobyerno sa 2019-novel coronavirus – Acute Respiratory Disease (2019 nCoV-ARD).

Sa pagdinig ay nakwestyon ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon ang DOH kung bakit huli na ang mga hakbang na ipinatupad ng ahensya laban sa nCoV gayong December 2019 pa lamang ay may mga reported cases na ng virus sa Wuhan City sa China.

Giit ni Biazon, hindi naging proactive ang DOH na maaaring pumasok pala sa bansa ang nCoV.


Aniya, January 6 naging aware ang DOH sa nCoV-ARD at kinumpirma naman ng ahensya na nagsagawa ng pulong at na-convene ang Inter-Agency Task Force laban sa nCoV nitong January 8.

Pero nagtataka ang kongresista na January 22 ay may mga flights pa mula sa Wuhan na lumapag sa Kalibo, Clark at Cebu na dahilan kaya tuluyan nang nakapasok ang sakit.

Hindi rin masagot ng DOH kung may code alert na ang ahensya na dapat ay nairekomenda na dahil may naitala nang isang patay dahil sa infectious disease.

Giit ni Biazon, ang DOH ang siyang dapat na incident commander sa ganitong krisis sa kalusugan kung saan sa ahensya magmumula ang lahat ng kautusan at siya ring susundin ng mga concerned agencies.

Hindi aniya maiiwasan ang panic ng publiko dahil mismong ang mga nangunguna para tugunan ang sakit ay nagtuturuan at mukhang hindi alam ang gagawin.

Facebook Comments