DOH, nagbabala kaugnay ng self-home antigen test kits

Maaaring mauwi sa mas malaking problema kung gagamitin nang walang tamang gabay ang antigen test kits.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, wala pang antigen test kit na inaaprubahan ang Food and Drug Administration (FDA) na maaaring gamitin nang walang pangangasiwa ng isang healthcare worker.

Aniya, ang mga antigen na nabibili sa online ay para sa mga health worker habang ang mga self-administered test kits gaya ng ibinibigay sa Estados Unidos ay hindi pa nakarehistro sa Pilipinas.


Bagama’t parehong ipinasok sa butas ng ilong, ang pag-abot at direksyon ay aniya ng dalawang antigen test kit ay magkaiba.

“We also want to remind that not all antigen tests are created equal. Iba ang antigen test na ginagamit ng mga trained health care workers. Makikita po sa larawan na ito na na iba ang direksyon at mas malalim ang pagkakatusok sa ilong. On the right side, makikita po ang brand ng antigen test kits na ginagamit ng ating mga health care workers,” ani Vergeire

Iginiit naman ni Vergeire na maglalabas sila ng tamang paggamit ng self-administered test kits sa Enero 17.

Nauna nang inihayag ng FDA na tumatanggap na ito ng aplikasyon para sa test kits na kayang makapaglabas ng resulta sa loob ng 30 minuto.

Facebook Comments