DOH, nagbabala kontra kuto ngayong summer

Bukod sa heat stroke at iba pang sakit na pwedeng makuha dahil sa matinding init ng panahon ay nagbabala rin ang Department of Health (DOH )sa posibleng pamemeste ng kuto.

Ayon kay DOH Usec. Eric Tayag, karaniwang nangyayari ang lice outbreak sa tuwing mainit ang panahon dahil mas gusto ng mga kuto na tumira at mangitlog sa mainit na buhok at pawisang anit.

Mabilis itong dumami sa ulo ng mga batang edad tatlo hanggang labindalawa dahil sila ang laging naglalaro sa labas.


Pero ayon sa Center for Disease Control of Amerika, walang dalang sakit ang kuto kaya hindi ito ikinokonsiderang public health hazards.

Gayunpaman, kailangan itong gamutin at maaaring maiwasan.

Payo ng DOH, bukod sa pagligo araw-araw, iwasang maghiraman ng suklay, subrero at iba pang inilalagay sa ulo.

Ugaliin din ang regular na paglalaba ng mga damit, punda, kobre kama at tuwalya para hindi rin ito pamugaran ng kuto at maisalin sa iba.

Facebook Comments