Ipinaalala ng Department of Health (DOH) na posibleng maging COVID-19 super spreader ang ilang mga pista sa iba’t ibang lugar.
Kasunod ito ng muling pagbabalik ng Wattah Wattah Festival sa San Juan City matapos ang dalawang taong tigil selebrasyon bunsod ng COVID-19 pandemic.
Ang naturang aktibidad ay nagkaroon ng basaan na bilang bahagi ng pista ng kanilang Patron na si San Juan Bautista.
Kaugnay nito, sa isang panayam, nanawagan si DOH-National Capital Region (NCR) Assistant Director Dr. Aleli Annie Grace Sudiacal sa mga local government unit (LGU) na maghigpit sa pagpapatupad ng mga minimum health protocols kontra COVID-19.
Dagdag pa ni Sudiacal, magsasagawa ang DOH ng surveillance sa mga fiesta sa bansa upang masubaybayan kung ang mga nasabing pagtitipon ay nagiging superspreader event o hindi.
Bukod sa lungsod ng San Juan, ay nagbalik na rin kahapon ang tradisyon na basaan sa mga probinsya na bahagi pa rin ng pista ni San Juan Bautista.
Kabilang na ang Dinalupihan, Bataan, Zamboanga City, San Antonio sa Northern Samar at Barangay San Juan sa Malolos, Bulacan.
Gayunman, mayroong mga hindi nakasuot ng face mask at hindi pagsunod sa social distancing.
Paliwanag pa ni Sudiacal, kahit nasa alert level 1 ang status ng isang lugar ay kailangan pa ring sundin ang mga health protocols upang hindi na lalong tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa.