
Nagbabala ang DOH na posibleng 28 times ang mahawaan ng isang COVID-19 positive kapag naging dominante ang 3 variants ng virus.
Ito ay mula sa kasalukuyang 3 indibidwal na maaaring mahawaan ng isang COVID positive.
Ayon kay Dr. Alethea De Guzman, director ng Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau na 2 hanggang 3 linggo pa nila malalaman kung magkakaroon ng pagbaba sa kaso ng COVID sa bansa.
Sa harap ito ng mas mahigpit na safety protocols na pinatutupad ngayon ng Local Government Units (LGUs) kabilang na ang lockdowns at curfew.
Kinumpirma naman ni Dr. De Guzman na bumagal na ang kaso ng COVID-19 sa cebu habang tumataas naman ang infection sa Bohol.
Tiniyak din ni Dr. De Guzman na makikipag-ugnayan sila sa World Health Organization (WHO) para sa pagsasaliksik sa P.3 variant na na-detect sa UK mula sa 2 travelers na galing sa Pilipinas.
Sa ngayon aniya, hindi pa ito matatawag sa Philippine variant hangga’t hindi pa natatapos ang imbestigasyon dito.
Sa kabila nito, iniulat ng DOH na na-maintain naman ang mababang fatality rate sa bansa, bagamat nais nilang mapababa pa ang kasalukuyang 2.04% na bilang ng mga namatay sa bansa sa COVID.









