DOH, nagbabala sa mahigpit na lockdown sakaling tumaas ang kaso ng COVID-19 matapos ang holiday season

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko sa posibleng pagpapatupad ng mahigpit na lockdown sakaling muling tumaas ang kaso ng COVID-19.

Ito ay matapos ang holiday season kung saan karamihan sa publiko ay nagtutungo sa matataong lugar tulad ng mall, palengke at iba pang establisyimento.

Sa pahayag ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, nakadepende ang magiging desisyon sa ipapatupad na lockdown sa magiging bilang ng kaso ng COVID-19.


Nilinaw din ni Vergeire na maaaring maging huling hakbang ng gobyerno ay ang pagbabalik sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) upang mapigilan ang pagkalat ng virus matapos ang holiday season.

Bukod dito, kabilang sa kanilang ikokonsidera sa paglabas ng desisyon ay ang kapasidad ng health system sa bansa para sa pagtanggap ng pasyente na nagkaroon ng COVID-19.

Idinagdag pa ni Vergeire na ang buong bansa kasama ang Metro Manila ay nasa “low risk” ngayon pero may ilang lugar silang mino-monitor dahil sa biglang pagtaas ng kaso ng COVID-19 gayundin ang kapasidad ng mga hospital nito.

Facebook Comments