DOH, nagbabala sa paggamit ng gamot na dexamethasone kontra COVID-19

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa paggamit ng gamot na dexamethasone para makaiwas sa COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi magic pill sa COVID-19 ang Dexamethasone

Aniya, ang nasabing gamot ay ginamit ng mga doktor sa England sa mga severe COVID-19 patient na ginagamitan ng oxygen at ventilator.


Ang babala ng DOH na kasunod ng ulat na batay sa pag-aaral ng mga researcher mula sa England ay bumuti ang sitwasyon ng ilang COVID-19 patient na nabigyan ng gamot na ito.

Batay sa nasabing pag aaral, 1/3 ng intubated patients ay umayos ang kundisyon habang ang isa sa limang pasyenteng may oxygen ay hindi na kinailangang gamitan nito

Ipinaliwanag ni Vergeire na ang dexamethasone ay nakatulong sa pagsuporta sa mga pasyente na mayroong severe COVID-19 o nasa kritikal na sitwasyon.

Hindi rin aniya maaaring gamitin ang gamot na ito sa mga mild o asymptomatic COVID-19 patient, at lalong hindi dapat gamitin para makaiwas sa COVID-19.

Dapat din aniyang hintayin na makumpleto muna ang pag-aaral na ito ng mga eksperto.

Facebook Comments