Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay sa nakaambang ‘third wave’ ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito ay sa oras na isailalim na ang National Capital Region at iba’t ibang lugar sa bansa sa General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Dr. John Wong na isang epidemiologist at miyembro ng Inter-Agency Task Force (IATF) sub-technical working group on data analytics, kasalukuyan nang nasa ‘second wave’ ang Pilipinas sa COVID-19.
Aniya, maaaring magkaroon ng ‘third wave’ sa oras na tanggalin na ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) kung hindi mag-iingat at hindi ipagpapatuloy ng mga Pilipino ang pag-obserba sa physical distancing, hand hygiene, at madalas na paglilinis.
Sa ngayon, nakikita ng DOH ang pagkakaroon ng ‘flattening of the curve’ dahil sa pagbagal ng naitatalang kaso at nasasawi sa COVID-19 sa bansa.
Gayunman, iginiit ni Wong na magiging tagumpay lang aniya ang bansa kapag nagkaroon na ng bakuna laban sa virus.
Batay sa latest report ng DOH, umakyat na sa 10,343 ang COVID-19 cases sa bansa kung saan 339 ang naitalang bagong kaso kahapon.
Kabuuang 1,618 katao naman ang total ng recoveries, 112 rito ang bagong gumaling, habang may 27 na nadagdag sa death cases dahilan para sumampa na sa 685 ang nasawi sa bansa dahil sa COVID-19.