Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa posibleng paglobo ng mga pasyenteng mangangailangan ng critical care sa loob ng dalawang linggo dahil sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Katherine Reyes, Associate Dean for Research of the College of Public Health-UP Manila, nakasalalay ito kung papaano sumusunod ang publiko sa itinakdang health protocols.
Inihayag ni Dr. Reyes na hangga’t maaari ay iniiwasan nila na matulad sa ibang bansa kung saan dumating sa punto na namimili kung sino ang mga pasyenteng kailangang bigyan ng intensive care.
Aniya, sa kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, 5% dito ang nangangailangan ng intensive care.
Sinabi pa ni Dr. Reyes na kapag tumaas ang critical care utilization rate, mas maraming pasyente na mangangailangan ng beds at ventilator at posibleng hindi ito kayanin ng mga ospital.
Samantala, kasabay ng pagdiriwang ngayong araw ng World Bicycle Day, hinimok ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang publiko na ugaliin ang paggamit ng bisikleta.
Aniya, bukod sa makatitipid sa pamasahe at gasolina ang publiko, maganda ang maidudulot nito sa kalusugan.
Umapela naman ang DOH sa mga nagtitinda ng bisikleta na huwag magsamantala sa presyo nito at hiniling din na bigyan ng espasyo sa kalsada ang mga gumagamit nito.