DOH, nagbabala sa publiko laban sa mga hindi lisensyadong COVID-19 testing labs

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko na ang pagsasagawa ng COVID-19 testing mula sa mga hindi lisensyadong pasilidad at laboratoryo ay mahigpit na ipinagbabawal at mapanganib.

Inilabas ng DOH ang babala matapos i-anunsyo ng Clearbridge Medical Philippines na bukas sila para sa dialysis treatments at COVID-19 rapid at RT-PCR testing.

Sa advisory, iginiit ng DOH na kailangang masertipikahan o mabigyan ng lisensya ang isang laboratoryo bago sila maaaring makapagsagawa ng COVID-19 testing.


Ayon sa DOH, ang Clearbridge Medical Philippines ay hindi sertipikado para magsagawa ng COVID-19 testing.

Hindi rin nag-apply ito para maging COVID-19 licensed laboratory.

Samantala, humingi ng paumanhin ang Clearbridge Medical at nilinaw na nakipag-partner sila sa Safeguard DNA Diagnostics Inc. na inaprubahan ng DOH bilang COVID-19 testing laboratory.

Ang koleksyon at testing ng specimens ay ginagawa lamang ng mga licensed professionals mula sa Safeguard Diagnostics.

Suportado nila ang misyon ng DOH na tiyakin ang kaligtasan ng publiko at wala silang intensyon na labagin ang panuntunan ng ahensya hinggil sa facility licensing.

Facebook Comments