DOH, nagbabala sa publiko laban sa pagbili sa online ng COVID-19 rapid test kits

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay ng mga ibenebenta sa online na COVID-19 rapid test kits.

Ayon kay Health Asec. Maria Rosario Vergeire, ang rapid test kits ay dapat sa ospital lamang ginagawa at kailangang doktor ang nangangasiwa sa proseso.

Bukod dito, magpapalabas pa lamang, aniya, ang DOH ng panuntunan sa paggamit ng rapid test kits.


Kinumpirma rin ni Asec. Vergeire, nagbukas na ang Lung Center of the Philippines upang tumanggap ng COVID-19 samples.

Gayunman, kailangan pa rin, aniyang, dumaan ang samples sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM para sa validation.

Kinumpirma rin ni Asec. Vergeire na kinukunsidera na rin nila ngayon na kabilang sa “vulnerable population” ang healthcare workers.

At kapag nakitaan, aniya, ng sintomas ng COVID-19 ang healthcare workers kahit mild lamang ay agad silang susuriin at babantayan.

Nilinaw din ni Asec. Vergeire na ang mga sumalilaim na sa self-quarantine ng mahigit sa 14 na araw at walang naranasan na sintomas, ay hindi kailangan pumunta sa ospital.

Aniya, kapag hindi nagkaroon ng sintomas sa loob ng mga araw na ito ay wala tayong sakit.

Nilinaw pa ng opisyal na ang DOH polymerase chain reaction (PCR) tests ay itinuturing na ‘gold standard’ tests at may accurate results.

Gayunman, ang nasabing rapid tests aniya ay hindi nakaka-detect ng virus, at sa halip ay antibodies na pino-produce ng ating katawan para labanan ang virus.

Kailangan pa rin, aniyang, sumailalim sa confirmatory PCR tests.

Facebook Comments