DOH, NAGBABALA SA PUBLIKO NA PABAKUNAHAN ANG MGA ALAGANG HAYOP UPANG MAIWASAN ANG RABIES

Nagbabala ang Department of Health (DOH)-Ilocos sa mga residente at hinikayat ang mga may-ari na pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop upang maiwasan ang pagkakaroon ng rabies dahil tumaas ang kaso nitong mga nakaraang linggo.
Base sa datos ng DOH-Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) kabuuang 11 kaso ng rabies mula sa iba’t ibang lugar sa rehiyon mula Enero 1 hanggang Mayo 27, 2023 ang naitala ng ahensya.
Ayon sa DOH-RESU, ang Ilocos Norte ay mayroong limang kaso ng rabies; Pangasinan na may tatlong kaso; dalawang kaso naman sa La Union at isa Ilocos Sur.

Sinabi ni DOH Ilocos regional director Paula Paz Sydiongco na sagot ng mga may-ari na pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop laban sa rabies taun-taon at magbigay din ng iba pang booster shots upang mapanatiling malusog at ligtas sa mga virus ang mga ito.
Ayon pa sa opisyal na ang rabies ay isa sa mga pinakadelikadong sakit at mayroon itong 99 percent case fatality rate lalo na kung ang isang tao ay nakagat sa critical areas gaya ng mukha, braso, at hita.
Sinabi ni Sydiongco na ang rabies ay nakamamatay ngunit 100 porsyentong maiiwasan sa pamamagitan ng maagap, naaangkop na pangangalagang medikal, at pagkuha ng anti-rabies vaccine.
Binigyang-diin ni Sydiongco na ang DOH regional office ay nananatiling nakatuon sa pagwawakas sa pagkamatay ng rabies sa rehiyon ng Ilocos sa 2027 at sa pagkamit ng layunin ng Rabies Free Philippines sa 2030. |ifmnews
Facebook Comments