Naghahanap na ang Department of Health (DOH) ng “low dead space syringe” para mas maraming dose ng bakuna kontra COVID-19 ang magamit.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nahihirapan silang humanap ng “low dead space syringe” dahil sa demand nito sa buong mundo at sa mataas na presyo nito sa merkado.
Ang “low dead space syringe” ay nagagamit para makakuha ng hanggang 6 na dose ng bakuna kompara sa 5 lang gamit ang normal na hiringgilya mula sa bawat vial ng COVID-19 vaccine.
“Naghahanap po tayo ng supplier. There was this one supplier pero ‘yong ating inilagay na presyo ay sobrang taas nu’ng sa supplier kaya hindi aabot ang budget natin for that,” ani Vergeire.
Tiniyak naman ni Vergeire na hindi problema sa ngayon para sa unang batch ng bakuna na manggagaling sa COVAX Facility ang “low dead space syringe”.
“Ito naman pong pagdating ng Pfizer vaccines na ito, tayo po ay nakakasigurado kasi it is packaged ‘no with this dead space syringe na may kasama po. So hindi po natin poproblemahin iyan sa ngayon at maari pong kailangan na lang ipag-prepare kung may dadating pa hong succeeding doses ng Pfizer vaccines. For COVAX Facility, kasama po ang hiringgilya na ibibigay nila sa atin. Pero tayo pa rin po ay patuloy na nagpo-procure at naghahanap ng suppliers who can provide us with this type of syringe,” dagdag ni Vergeire.
Giit ni Vergeire, ang pinaghahandaan ngayon ng gobyerno ay ang pagbakuna sa priority sector na binubuo ng higit 180,000 health workers, 164,000 na uniformed personnel, 1.4 milyon na senior citizen, at 3 milyon na mahihirap.
Nangangailangan din ang kagawaran ng 50,000 tagabakuna para sa priority sector.