Naghahanda na ang Department of Health (DOH) para sa Solidarity Trials for Vaccines ng World Health Organization (WHO) na inaasahang magsisimula sa katapusan ng buwan.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, isinasapinal na lamang ang mga preparatory activities para matiyak na handa na sila sakaling magbigay ng signal ng WHO na simulan ang clinical trial.
Bukod sa vaccine experts panel ng bansa, sinabi ni Vergeire na bumuo na rin ang pamahalaan ng data safety monitoring committee.
“Ito po yung sa monitoring ng pagbabakuna para meron tayong mga eksperto para po pag sinumbmit sa kanila yung data, they can readily analyze and provide further recommendation to the implementors—sa DOH at saka local government units,” sabi ni Vergeire.
Dagdag pa ni Vergeire, ang health promotion bureau ng DOH ay naghahanda na rin para magsagawa ng public engagement hinggil sa inisyatibong ito.
“Napaka importante po na we engage the community. So that the community will be informed of this trial: what will happen, what would be the advantages, what would be the possible disadvantages or harmful effects of these vaccines and how it can benefit the community,” dagdag ni Vergeire.
Sa huling datos ng DOH, aabot na sa 329,637 ang kaso ng COVID-19 sa bansa na may 49,989 na active cases.
Nasa 273,723 ang gumaling at 5,925 ang namatay.