DOH, naghahanda sa posibleng pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 matapos luwagan ang restrictions sa pampublikong transportasyon

Naghahanda ang Department of Health (DOH) sa posibleng pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 matapos na luwagan ang ilang restrictions sa pampublikong transportasyon partikular sa bilang ng mga pasaherong pinapayagan na makasakay.

Ito ang sinabi ni Health Undersecretary Rosario Vergeire sa naging pahayag ng OCTA Research Group kung saan maaaring tumaas ang kaso ng COVID-19 lalo na’t niluwagan ang pagpapatupad ng social distancing sa pampublikong transportasyon.

Base pa sa research ng grupo, posibleng sa loob lamang ng dalawang linggo ay tumaas ang kaso lalo na sa National Capital Region na siyang sentro ng coronavirus infection.


Ayon pa kay Vergeire, dahil sa pagluwag sa ilang restriction sa public transport, pagbubukas ng ekonomiya at iba pang sektor, inaasahan na nila na magkakaroon ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Aniya, batid nila na nananatili pa rin ang virus subalit hindi naman maaaring manatili sa pagka-lockdown kung saan kinakailangan na magbantay at higpitan pa rin ang pinaiiiral na minimum health standards tulad ng paghuhugas ng kamay, social distancing gayundin ang pagsusuot ng face masks at face shields.

Bukod dito, nararapat na sumunod din ang publiko sa mga inilatag na protocols upang hindi mahawaan ng COVID-19 at maiwasan ang pagtaas ng kaso nito.

Facebook Comments