Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon ay lumabas na naging bigay-bawi ang Department of Health (DOH) sa Meals, Accommodation at Transportation o MAT na para sa healthcare workers.
Ayon kay Alliance of Health Workers President Robert Mendoza, nagbigay ang DOH ng budget para sa MAT pero binawi rin dahil may ibang paggagamitan tulad sa pagbili ng bakuna at pambayad sa healthcare workers.
Nang umapela naman ang mga healthcare workers ay nagbalik ang DOH pero 30% lamang kaya hinahanap nila ang 70% ng pondo.
Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na aalamin niya ito at makikipag-usap sa Department of Budget and Management (DBM).
Kaugnay nito ay hinikayat ni Senator Gordon si Secretary Duque na palagiang kausapin ang samahan ng healthcare workers para naiiwasan ang ganitong mga isyu.
Samantala, sa Senate hearing ay nagturuan naman ang DOH at DBM sa atrasadong pagbibigay ng special risk allowance sa healthcare workers.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Mylene Beltran, June 25 lamang nai-release ng DBM ang ₱9.7-billion na pondo nito at nagkaroon lang sila ng 5 araw para ito ay i-disburse dahil mag-e-expire na ang Bayanihan 2 ng June 30.
Tiyempo pa aniya na Biyernes ang June 25 at kailangan pa nilang makipag-ugnayan sa mga ospital ng weekend.
Sagot naman ni DBM Officer-in-Charge Tina Rose Marie Canda, kaya ito na-delay ay dahil natagalan ang DOH sa paglagda sa joint circular na nagtatakda ng ammended guidelines para sa patuloy na pagkakaloob ng special risk allowance sa health workers.