DOH, naglaan na ng P2.4 bilyon para sa pagbili ng COVID-19 vaccine

Naglaan na ang Department of Health (DOH) ng inisyal na P2.4 bilyon para sa pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, inisyal pa lamang ang itinabing pondo para sa bakuna na kukunin sa ilalim ng iminungkahing budget para sa 2021.

Aniya, maaari pa itong magbago dahil patuloy pa ang kanilang pakikipag-usap sa mga institusyon na nag-alok ng COVID-19 vaccine para sa 20 milyon o 20% ng populasyon.


Nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Department of Science and Technology (DOST), Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Finance (DOF) sa halaga ng bakuna na kailangang bilhin.

Paliwanag ni Vergeire, ang vaccine ay may dalawang dose at ito ay aabot sa 40 million dose.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte at DOF Secretary Carlos Dominguez III na halos 40 milyong doses ng COVID-19 vaccine na karamihan ay mula China ang darating sa bansa hanggang sa Disyembre.

Facebook Comments