DOH, naglabas ng abiso sa mga gagawing pagtitipon para sa SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte

Inabisuhan ng Department of Health (DOH) ang mga dadalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na kung maaari ay makiisa na lamang sa pamamagitan ng social media at iba pang online platform.

Ayon sa DOH, kinikilala nila ang karapatan ng bawat Pilipinong magpahayag ng kanilang saloobin pero kailangan pa ring isipin ang kaligtasan ng sarili at ng mga kasama kontra COVID-19.

Ito ay kasunod na rin ng naitatalang local transmission ng Delta variant na sinasabing mas mabilis na makahawa.


Sa mga nagpa-plano naman na dumalo nang personal sa SONA, maiging sumunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing.

Maigi rin na umiwas sa pagtitipon at matataong lugar at huwag nang dumalo kung may mga nararamdamang sintomas o sakit.

At pagkatapos dumalo, payo ng DOH, obserbahang mabuti ang sarili kung makakaranas o makakaramdam ng sintomas ng COVID-19.

Sakaling magkaroon ng sintomas, umiwas sa kahit sinumang miyembro ng pamilya, agad na mag-quarantine at makipag-ugnayan sa Barangay Health Emergency Response Team para mabigyan ng atensyong medikal.

Facebook Comments