Ililipat na sa mga malalaking laboratoryo sa bansa ang mga specimens na kadalasang ipinapadala sa Philippine Red Cross (PRC) para sa COVID-19 testing.
Ito ang pahayag ng Department of Health (DOH) matapos ihinto ng PRC ang pagsasagawa ng COVID-19 testing nito sa mga specimens na sasagutin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, naglabas na sila ng guidelines para sa mga laboratoryo sa kung paano ililipat ang mga specimens.
“Lahat naman ito pinag-uusapan na, alam natin na meron tayong konting operational difficulties and challenges kaya inaayos na po natin ‘yan,” sabi ni Vergeire.
“Hopefully in the coming days we can resolve this,” dagdag ni Vergeire.
Kinakausap na ng gobyerno ang PRC upang maresolba agad ang ilan sa mga operational difficulties.
Una nang sinabi ni National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer at Testing Czar Vince Dizon na posibleng bumaba ang testing capacity ng Pilipinas dahil dito.