DOH, naglabas ng mga paalala sa publiko para hindi mabiktima ng paputok

Manila, Philippines – Naglabas ngayon ang Department of Health o DOH ng mga paalala sa publiko, para sa mas ligtas na pagdiriwanag ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.

Ito ay bahagi ng Oplan Iwas Paputok campaign ng pamahalaan, sa pangunguna ng DOH katuwang ang iba pang mga ahensya ng gobyerno.

Kabilang sa mga paalala ng DOH ay ang:


  1. Itaguyod at makilahok sa community fireworks display.
  2. Magdiwang nang ligtas kasama ang pamilya.
  3. Lumikha ng ingay gamit ang ibang bagay tulad ng torotot, busina, musika, lata, at iba pa.
  4. Makisaya sa ibang paraan tulad ng street party, concert, piano, palaro at iba pa.
  5. Matuto sa mga aral ng nakaraan at magsimula nang maayos na buhay sa Bagong Taon.

Nauna nang sinabi ng DOH Secretary Francisco Duque III na target nilang mapaigting ang kampanyang Oplan Iwas Paputok at isa sa mga kanilang tututukan ay ang mga bata na kadalasang nabibiktima ng mga paputok.

Umaasa pa rin ang DOH na makakamit ang “zero firecracker-related injuries” o kahit papaano ay mabawasan ang bilang ng mga nasusugatan sa mga paputok partikular sa panahon ng selebrasyon ng Pasko at Bagong Taon.

Facebook Comments