Naglunsad ang Department of Health (DOH) ng ‘Oplan Recovery’ na magsasagawa ng validation sa mild COVID-19 patients na nag-home quarantine lamang.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, karamihan kasi sa mga ito ay hindi na na-monitor ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) kung gumaling ba o pumanaw na mula sa sakit.
Bunga nito, sinabi ng DOH na asahan ang mas lalo pang pagtaas ng bilang ng mga gumaling sa COVID-19 sa bansa.
Una nang binago ng DOH ang kanilang protocol sa pag-discharge ng mga pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 mula sa mga ospital o quarantine facility.
Sa ilalim ng bagong protocol ng DOH, makalipas ang sampung araw at wala ng sintomas ng virus ang isang pasyente ay maaari na itong pauwiin ng hindi na kailangang sumailalim pa sa confirmatory test.
Para naman sa mga asymptomatic, kung makalipas ang 14 na araw ay wala pa rin siyang sintomas ng virus ay maaari na itong pauwiin ng bahay kahit hindi na isailalim pa mula sa COVID-19 test.