Nagpapa-alala ang Department of Health (DOH) sa publiko lalo na sa mga magulang o guardian na bantayan ang kanilang mga anak upang huwag mamulot ng mga paputok na makikita sa mga kalsada.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito man ay nasindihan na o hindi pa ay lubha itong mapanganib.
Aniya, dapat na sabihan o gabayan ng mga magulang at guardian ang mga anak o kabataan na iwasan ang pagsubo ng mga paputok na hindi pa nasindihan o gamit na dahil maaring makadisgrasya sa kanila.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Vergeire na halos pantay ang dami ng naitalang kaso na ‘active’ o direktang gumamit ng paputok at ang ‘passive’ o nadamay lamang sa pagpapautok ng iba.
Noong nakaraang taon ay mas marami ang passive kaysa sa active, kung saan pinakamataas pa rin ang nagtamo ng pinsala sa kamay na nasa 36 percent at karamihan ay nangyari sa labas ng bahay o kalsada.
Susundan ito ng pinsala sa mata na nasa 30 percent, at ibang bahagi ng katawan katulad ng binti, ulo at hita.
Noong 2021, nasa 53% ng kaso ng fireworks related injury ay dulot ng paggamit ng legal na paputok, habang ngayong taon ay mas mababa ng bahagya na bumubuo ng 48% ng mga kaso.