Nagpaalala ang Department of Health (DOH) na hanggang bukas, March 7, na lamang ang pinalawig na vaccination program kontra measles, rubella, at polio na natapos nitong Pebrero.
Kaugnay nito, hinimok ng DOH ang mga magulang na samantalahin ito at pabakunahan na ang kanilang mga anak.
Ang Measles, Rubella, and Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity ay pinalawig ng DOH hanggang bukas para maabot ang kanilang target population na 95%.
Sa pagtaya ng DOH, nasa mahigit 800,000 bata pa mula 0 hanggang 59-month-old ang hindi pa nabakunahan sa kanilang mga target na rehiyon as of March 1.
Patuloy naman ang apela ng DOH sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa mga sakit na ito na maaari namang maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.
Giit ni Health Secretary Francisco Duque III, napatunayan naman na ang mga bakuna na ito ay ligtas at epektibo.
Umapela rin si Duque sa mga lokal na pamahalaan na tulungan ang DOH sa pagpapalakas ng vaccination programs at matiyak na lahat ng bata sa kanilang lugar ay nabakunahan.