Muling iginiit ng Department of Health (DOH) na wala silang pinipiling rehiyon na pagdadalhan ng mga bakuna kontra COVID-19.
Ito’y matapos na lumabas ang ulat na mas maraming doses ng Pfizer vaccines ang ipinadala sa Davao.
Ayon kay Dr. Abdullah Dumama Jr., Health Undersecretary ng Field Implementation and Coordination Team sa Visayas at Mindanao, walang basehan ang nasabing alegasyon kung saan parehas ng doses ng bakuna ang ipinadala nila sa Davao at Cebu na kapwa nasa 210,000 doses.
Aniya, hindi lamang din para sa Davao City ang ipinadalang bakuna kundi para rin sa buong rehiyon ng Davao at sa kalapit na lalawigan na kailangan ng bakuna.
Sinabi pa ni Dr. Dumama, na kaya malaki ang bilang ng naipadalang bakuna ay dahil sa mayroong capability ang Cebu at Davao para pag-imbakan ng bakuna tulad ng ultra low temperature freezers kung saan handa silang magbigay ng bakuna sa ibang rehiyon na nangangailangan.
Dagdag naman ni Usec. Ma. Rosario Vergeire, na maaari naman magpabakuna ang isang indibidwal kahit pa hindi ito residente ng Davao basta’t maaari na itong mabakunahan.
Aniya, nasa limang rehiyon na lamang ang hindi nakakapagbakuna ng Pfizer vaccines dahil sa wala pa silang kapasidad na paglalagyan ng nasabing bakuna.
Ito ay ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Caraga, Region 12, Region 5 at MIMAROPA habang ang ibang rehiyon ay nabigyan na ng Pfizer vaccines.