Nilinaw ng Department of Health (DOH) na bago mabigyan umano ng allowance ang mga volunteer na vaccinators ay mangangailangan pa ng batas o kaya ay Executive Order (E.O.) sa kasagsagan ng COVID-19 vaccination.
Ang paglilinaw ay ginawa ng DOH kasunod na rin ng panukala na pagkalooban ng Php 1,000 na arawan na allowance ang mga volunteer vaccinators.
Ayon sa DOH, wala pa umanong pormal na kahilingan sa kagawaran tungkol sa daily allowance ng mga volunteer vaccinators at ang ibinibigay sa National Vaccination Operations Centers ay pondo lamang para sa pagkuha ng mga bakunador, at kanilang sahod.
Paliwanag ng DOH bago sila humiling ng pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM) ay kailangan umano ng legal na basehan, sa pamamagitan ng Republic Act o Excutive Order.
Matatandaan na ilang mambabatas ang nagsabi na sana ay mabigyan ng allowance ang volunteer vaccinators dahil malaking tulong umano ito na pandagdag-gastos sa transportasyon, pagkain, at pambili ng bigas at mahihikayat din umano ang maraming mga nurse, doctor, at health professionals na mag-volunteer na makapagpapabilis sa rollout ng vaccine program ng pamahalaan.