Nagpasalamat ang Department of Health (DOH) sa mga Local Government Units (LGUs) at organisasyon na sumunod sa kanilang programa na pagbibigay ng home care kits sa mga residente nitong nagpopositibo sa COVID-19 at naka-home quarantine.
Ayon kay DOH Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire, mahalaga ngayong pandemya ang maibigay ang mga pangangailangan ng mga mamamayan lalo na yung mga tinamaan ng naturang sakit.
Una ng namahagi ang DOH ng “Kalinga Kit” na pangdagadag na suporta ng ahensiya sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan na tumutulong sa mga naka-home isolation.
Paalala naman ni Vergeire sa mga LGU na huwag maglagay ng mga gamot sa kanilang ibinibigay na home care kits lalo na kung prescription medicine ang mga ito.
Dapat tiyakin na hindi makasama sa mga binibigyan lalo na sa mga gamot na nakapaloob sa home care kits.
Kabilang sa laman ng home care kits na ipinamimigay ng mga LGU ay thermometer, pulse oximeter, mga gamot at iba pa.
Samantala, muling nagpaalala ang DOH na kapag mild o asymptomatic ang kaso ng COVID-19 ay maaaring mag-isolate sa bahay o sa quarantine facility para manatiling bukas at bakante ang mga kama sa ospital para sa mga mas malulubhang kaso.