Nagsumite ang Department of Health (DOH) ng rekomendasyon sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte na humihimok na mag-isyu ng Executive Order (EO) para sa pag-regulate sa presyo ng COVID-19 swab test.
Sa kanyang virtual press briefing, sinabi ni Health Usec. at Spokesperson Ma. Rosario Vergeire na napansin ng DOH na iba-iba ang presyo ng swab test, lalo na sa mga laboratoryo.
Aniya, may natatanggap silang report na malaki ang pagkakaiba ng presyo ng swab test sa mga laboratoryo kaysa sa mga ospital.
Sa ngayon kasi ang umiiral na price ceiling ay para lamang sa mga gamot at hindi kasama ang diagnosis at professional fees gayundin ang swab test para sa COVID-19.
Sa kasalukuyan aniya, ang swab test ay nasa pagitan ng halagang ₱3,500 hanggang ₱15,000 depende sa ospital, klinika o laboratoryo.