Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga senior citizens sa bansa na magpa-register na para sa bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hanggang bukas (March 31) ang rehistrasyon para sa mga senior citizen na nasa Metro Manila at sa April 5 naman kapag nasa labas ng National Capital Region (NCR).
Inatasan naman ng DOH ang mga elderly homes at iba pang kaparehas na institusyon na i-register na ang mga matatandang namamalagi sa kanila.
Habang pinayuhan na rin ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng paghahanda at aktibidad para sa pagsisimula ng vaccination rollout.
Kaugnay nito, sinabi naman ng DOH na target ng gobyerno na makapagsagawa ng 100,000 COVID-19 tests kada araw sa pamamagitan ng pinagsamang Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) tests at rapid antigen tests.
Ang hakbang ang kasunod ng pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan naabot na ang all time high na record sa isang araw na lagpas 10,000 kaso.