Nais ng Department of Health na patapyasan ng 50 porsyento ang nasa higit isang daang life-saving medicines o mga gamot na kinakailangan ng isang indibidwal na may malalang sakit.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, nagsumite na sila ng listahan kay Pangulong Rodrigo Duterte ng nasa 120 na gamot na nais nilang mabawasan ang presyo sa ilalim ng maximum drug retail prices (MDRP).
Dagdag pa ni Domingo, inaantay na lang nila ang executive order ng pangulo kung saan inaasahan nila na ilalabas ang EO sa susunod na buwan.
Kasama sa listahan na nais nilang matapyasan ng presyo ay mga gamit sa cancer, hypertension, diabetes, cardiovascular disease (CVD), chronic lung diseases, neonatal diseases at major cancers.
Iginiit pa ni Domingo na ang naturang listahan ay inirekomenda ng Drug Price Advisory Council at kung sakaling mapatupad, asahan na raw na ang isang gamot sa cancer na dating nasa higit P4,000.00 ang halaga ay bababa na lamang sa higit P2,000.00.