Wednesday, January 28, 2026

DOH, naka-monitor sa napaulat na Nipah Virus na kumalat sa India

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Department of Health (DOH) at Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng “One Health Approach” upang bantayan ang mga sakit na maaaring magmula sa hayop at lumipat sa tao.

Sa isang panayam kay DOH Asec. Albert Domingo, mahigpit ang pagbabantay ng mga health authority laban sa anumang banta ng sakit tulad ng naiuulat na nipah virus sa India.

Ayon kay Asec. Domingo, wala pang bakuna laban sa Nipah virus kung saan ang mga sintomas naman nito ay lagnat, pananakit ng ulo, ubo at hirap sa paghinga habang maaari din mauwi sa encephalitis o pamamaga ng utak na pwedeng mapunta sa coma o pagkamatay.

Paalala niya sa publiko na maging tapat sa e-Travel forms dahil ito ang unang linya ng depensa sa mga paliparan at pantalan, kasama ang screening at thermal checks ng Bureau of Quarantine (BOQ).

Giit pa ni Asec. Domingo, may isolation facilities at malinaw na protocol ang mga ospital para sa infectious diseases habang sinisiguro niya na handa ang Pilipinas noon, at handa pa rin ngayon.

Ang Nipah Virus ay isang zoonotic disease o galing sa hayop partikular sa paniki kung saan sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), pwede rin nitong maapektuhan ang baboy, kabayo, kambing, aso at pusa.

Sa datos noong 2014, nagkaroon ng kaso ng nipah virus sa Sultan Kudarat matapos kumain ng karne ng kabayo ang 17 tao.

Facebook Comments