Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 157 kaso ng rabies sa bansa mula January 1 hanggang June 25.
Mas mababa ito ng 5% kumpara sa naitalang kaso ng rabies sa kaparehong panahon noong 2021 na 165 cases.
Batay sa datos ng DOH, 16% ng mga ito ay mula sa Central Luzon habang 13% ay mula sa Calabarzon; 11% sa Western Visayas at 10% sa Davao Region.
Sa kabila nito, lahat ng naitalang kaso ngayong taon ay nasawi dahil sa naturang sakit.
Paliwanag ng DOH, nasa 100% ang fatality rate ng rabies at napakadalang ang mga nananatiling buhay matapos dapuan nito.
Dagdag pa nito, nasa 83% ng mga ito ay galing sa kagat ng aso at 69% sa mga ito ay hindi bakunado sa rabies.
Kaya patuloy ang koordiasyon ng DOH sa Department of Agriculture (DA), local government units at local veterinarians upang mapigilan ang pagkalat ng virus.